Salamat

March 14, 2008 § 67 Comments

Hayaan nyong simulan ko ang bagong chapter ng pagiging blogger ko sa pamamagitan ng isang Pasasalamat.

THANK YOU!

Tila ba nakalimutan na ng mga tao ang salitang salamat. O marahil ay naging tamad lang sila dahil tatatlong syllables lang naman ang salitang ito ngunit hindi na nila maiwika. Pwede rin naman nahihiya sila na animo’y ikakabawas ng kanilang pagkatao ang ipaabot ang pasasalamat nila sa kapwa. Maari din na nagka-amnesia na ang mga tao at parte na lang ng nakaraan ang salitang ito, Tulad ng mga epiko ng iba’t ibang tribo ng dito sa Pilipinas na iniwan na sa nakaraan at nakalimutan na. Maari din kayang dumating ang araw na ang salitang ito ay mabaon na sa limot at wala ng makaalala.

Regular akong pasahero ng jeepney, kung ang nakasaad sa birth certificate mo ay Filipino Citizen ka ngunit ni minsan sa buhay mo ay hindi ka pa nakakasakay nito, hindi ka lehitimong Pinoy. Katulad ng balut na pamantanyan daw ng pagiging Noypi ang pagkain ng mabuhok na sisiw nito. At kung hindi YOUCHOOB ang pagbigkas mo sa website na YOUTUBE hindi ka rin maituturing na Pinoy. Ito raw ang mga batayang sukat ng pagkakaroon ng Lahing Malayo na nakatira sa Pilipinas. Kung ganun hindi pala ako Pilipino.

Mabalik tayo sa usapang jeepney, halos araw araw akong sumasakay ng jeep papasok sa eskwelahan, gagala, at pauwi. Ito ang mode of transportation naming mga masa na may kotse ngunit wala naman pambili ng gas.

Malimit akong umupo sa pinakaloob ng parte ng jeep sa pinakadulo, ang responsibilidad lang naman ng nasa dulo ay ang maging taga abot ng bayad at sukli kasama na rin dyan ang pagpasa ng virus sa katawan mo o ang mapasahan ng virus galing sa mga katabi mo. Sa mga sampung pasahero na iniabot ko ang kanilang bayad o sukli mabibilang ko lamang sa daliri ko sa kamay ang mga nagsambit ng salitang salamat (para akong tanga eh sampu lang naman ang daliri ko sa kamay). Wala pa ni sa kalahati sa kanila ang marunong magpasalamat.

Pag nasa mall naman ako at pinagbubuksan ko ng pinto ang iba ngunit kakaunti lang din ang mga nagpapasalamat. OO ginusto ko ang bagay na yun na walang hinihiling na kapalit. Iniaabot ko ang sukli/bayad o pinabukasan ko sila ng pinto na walang inaasam. Hindi ako pinanganak para maging taga-abot ng bayad/sukli o maging tagabukas ng pinto. Pero sana naman kahit papano matuto naman silang magpasalamat.

Nanood ako nung nakaraan ng America’s Next Top Model Cycle 10 at inalis ang contestant na pinuri nina Tyra Bank at iba pang judges ngunit hindi sya marunong magpasalamat. Ang naging ending pinatalsik sya sa show. Iyak sya ng iyak. Sayang kung marunong lang syang magpasalamat baka sakali umabot pa sya hanggang sa finals. Sana isang malaking palabas na lang ang mundong ito sa isang telebisyon. Isang reality show na kung saan maalis din ang mga taong hindi marunong magpasalamat. Baka kung nagkagayon ay hindi na ikahiya, kalimutan o katamaran ng mga Pilipino ang pagsambit ng salitang salamat.

PS. Nais kong pasalamatan ang mga taong naging bahagi ng luma kong Blog TANGINANG ALIEN At ang mga taong nasa likod ng matagumpay na pagkakaroon ko ng datkom. Sina Xienah at Ayiene. Sa lahat ng mga kaibigan ko, naging kaibigan at magiging kaibigan. MARAMING SALAMAT SA INYO!

Pakidagdag na lang po sa links nyo ang KOKEYMONSTER.COM

(wag alisin ang cursor sa submit query ng mga 3-5 seconds para maisubmit ang inyong mga komento. Pasensya na)

Muntik kong makalimutan. Ika-anim na buwan ko nga din pala ngayong Marso 14 sa mundo ng pagblablog.. weee!

Tagged:

§ 67 Responses to Salamat

Leave a reply to ferbert Cancel reply

What’s this?

You are currently reading Salamat at Kokey Monster.

meta